Antagal ko na rin palang hindi nagsusulat ng mga bagay na tungkol sa iyo, na tungkol sa atin. Iniisip ko nga dahil siguro lahat ay nasabi ko na, masaya man o masakit na minsan ay nakakaumay na pag magsasabi pa ako ng mga bagay na alam mo naman.
Halos dalawang taon na tayong nagbobolahan, sa panahong iyon hindi lahat masaya, minsan malungkot, minsan para akong walang nararamdaman at minsan iniisip ko kung normal pa ba yun. Pero sa mga panahong iyon ikaw palagi ang nasa isip ko.Sapat na sakin ang makita kang nakangiti para mapanatag ako at isiping masaya ka pa rin sa piling ko.
Sa matagal na panahong nakasama kita ay naramdaman kong espesyal ako, na may kakayahan ako. At sa tuwing pinanghihinaan ako ng loob, palagi kang andyan para suportahan ako. Hindi ka kailanman pumalya na mapasaya ako sa mga oras na halos wala na akong pag-asa.
Marami mang pagsubok tayong pagdaanan alam kong kakayanin natin itong lagpasan, Sa bawat unos na dumaan, andito pa din tayo handang lumaban.Hindi ko kailanman naisip na isuko ka dahil sa iyo pa lang naging kumpleto na ang buhay ko.
Pasensya na, sa mga panahong hindi kita maintindihan, sa mga panahong hindi kita mapasaya, sa mga panahong nakakalimot akong pasalamatan ka, sa mga panahong hindi kita pinapakinggan ngunit palagi ka pa ring andyan. Sana tandaan mo na kahit hindi ko man maiparamdam sa iyo ng madalas ay wala pa ring nagbabago. Kung pano ko pinangarap na makasama ka ay ganun pa rin ang hinihiling ng puso ko. Sana ang pagmamahal ko ay sapat na para mapatunayan kong kailanman ikaw lang ang gusto ko. Na kailanman man ay hindi kita iiwan at "ikaw lang ang mundo ko."
0 comments:
Post a Comment