Ang poster na ito ay mula sa Star Cinema |
Magulo
“daw” sa lugar namin. Maingay, maraming adik at kung ikaw “daw” ay dadayo dito,
hindi ka na makakalabas ng buhay. Binansagan nga itong pangalawang Tondo eh.
Talamak “daw” kasi ang paggamit at pagbebenta ng droga. Nakakatakot di’ba?
Tandang-tanda
ko ang bawat pagsakay ko sa taxi. Sa tuwing sinasabi ko sa drayber na ihatid
ako sa amin ay tila ba nagpapalusot nalang ang mga ito para hindi ako maisakay.
Madalas ganito ang sinasabi nila:
“Miss, lumipat ka nalang ng ibang taxi.
Pagarahe na kasi ako eh baka hindi ako makaabot sa oras.”
O kaya
naman:
“Mahirap na pumasok dyan sa lugar nyo, baka
holdapin lang ako. Hindi ba’t malapit lang kayo sa Maharlika?”
At heto
pa:
“Wala akong makukuhang pasahero pabalik,
mag-abang ka nalang ulit ng ibang masasakyan. Malulugi kasi ako eh.”
Alam ko
naman na nagdadahilan lang sila upang hindi sila mapadpad sa lugar namin. Hindi
kasi maganda ang imahe na nabuo dito. In short, natatakot sila! Aminado naman
ako na lahat ng “daw” na sinasabi nila ay nasaksihan ko mismong nangyari pero
hindi pa rin makatarungan para sa akin na mabansagan ng ganun ang Tenement. Sa
kahit saang lugar naman kasi ay may nangyayaring kaguluhan. Minsan nga kahit sa
isang gwardyadong subdivision ay may mababalitaan ka pa ring krimen. Marahil ay
naging mapanghusga lamang ang ibang mga tao. Ang tanging tinitignan nila ay ang
masasamang pangyayari, kinalimutan nila ang mga kabutihang dala ng aming lugar.
Para sa akin kasi mali ang manghusga lalo na kung hindi mo pa naman ito
nakikita. Ganyan man ang tingin ng marami sa Tenement ay hindi ito nangangahulugang
hindi ko na ito kayang ipagmalaki.
Panahon
pa ni dating Pangulong Diosdado Macapagal nang itayo ang gusali ng Tenement. Kung
titignan mo nga ito ay talagang lumang luma na. Mayroon itong pitong palapag at
halos pitong-daang pamilya ang naninirahan dito. Iba’t ibang klase ng tao ang makakasalubong
mo. Sa umaga asahan mong may maririnig kang sigawan o kaya naman minsan ay
nagbabatuhan ng pinggan na animo’y nagsosolian na ng kandila. Marami ring bata
ang nagtatakbuhan sa bawat rampa ng palapag. Para ngang sine ang lugar namin
eh, may drama, comedy, horror at ang
pinakamatindi sa lahat ay ang “action.”
Oh diba, hindi mo na kailangang lumayo pa para makanood ng sine kasi andito na
lahat ng eksena.
Tila
nakasanayan ko na ang ganitong mga tagpo, dito na kasi ako nagka-isip. Minsan
nga ako pa ang bida sa inaakala kong eksena sa pelikula. Pero kahit ganito ang
lugar namin ay masaya kami. Marami kaming kaibigan at napakarami naming mga
kapitbahay na pwedeng takbuhan. Sa totoo lang, maraming mababait na tao dito.
Madalas kaming nagdadamayan kapag may unos na dumarating. Kapag may lamay nga dito
ay imbitado ang lahat. Hindi mo na poproblemahin kung sino ang magpupuyat sa
gabi para magbantay. Lalo na kapag may birthday, binyagan, kasalan o kahit
anong okasyon na may handaan, asahan mong isang baranggay ang darating. Paano
ba naman habang nagluluto ka palang amoy na amoy na ng kapitbahay ang niluluto
mo dahil magkakadikit lang ang mga pinto. Dito mo lang din mararanasan na para
bang isa kang artista sa sobrang dami ng bumabati sa’yo. Sa sobrang dami nga nila
mapapagod ka nalang sa pagkaway. Para na kasi kaming isang malaking pamilya
dito. “The more, the merrier” ika nga
nila.
Maipagmamalaki
ko rin na dito nagmula ang mga komedyanteng sina Michael V. At Bayani Agbayani
(sabi ko sa inyo eh, masaya talaga dito sa amin). Paminsan minsan ay makikita
mo pa ring dumadalaw sila dito.
Sino ba
naman ang makakalimot sa pelikulang T2 (Tenement 2) ng Star Cinema, yung si
Maricel Soriano at Derek Ramsay ang bida? Dito shinooting yun, marami kasing
puno ng Balete dito. Perfect set ito
para sa isang horror movie, kaya nga
naging blockbuster hit yun eh, pasalamat
nalang sila sa Tenement!
Maraming
mga kabataan dito ang nagtapos bilang doctor, abugado, guro o kaya naman ay
naging pulitiko. Umasenso man sila sa buhat ay patuloy pa rin silang bumabalik.
Kilala
rin sa aming lugar ang Pandesal sa Bakery ni Aling Venus. Isipin mo lahat na ng
bilihin ay tumaas pero ang Pandesal nya ay piso pa rin. Saktong isang subuan
ang laki nito, sakto lang din sa pisong binayad mo.
Masarap
ang mga pagkaing kalye dito. Ang Siomai ni Aling Gloria, ang Ihaw-ihaw na Paa
ng Manok ni Manong Anton na sobrang lambot (falls
off the bone), Ang Samalamig ni Ate Gina at ang pinakamasarap sa lahat, ang
Piniritong Isaw ni Kuya Tony (dahil na
din siguro sa sukang sawsawan, ang sarap kasi ng timpla nya)!
Isa
pang maipagmamalaki ko ay ang suporta ng buong residente sa tuwing may
patimpalak na sasalihan ang isa. Asahan mo may instant fans club ka. Hakot kasi
kami palagi lalo na sa mga beauty pageant
at dance contest! Panalong panalo na
ang pambato namin kung Audience Impact lang ang pag-uusapan.
Walang
kapantay ang saya dito!
**********
Kamakailan
lang ay nag-anunsiyo ang Lokal na Pamahalaan ng Taguig na kailangan na daw lisanin
ang gusaling ito. Condemned na daw kasi, hindi na nya kakayanin ang isang
malakas na lindol. Maaari rin daw na bigla nalang itong bumigay, marami na
kasing nakikitang mga lamat sa bawat
pader ng palapag dahil sa kalumaan. Delikado na para sa mga residente. Kaysa
naman daw marami ang madisgrasya, mas mabuti nalang daw na ilipat kaming lahat
sa isang relocation.
Nakakalungkot
isispin na bilang na ang mga araw na ilalagi ko dito, lahat kasi ng magandang
ala-ala ay dito nabuo. Ang pagakayat namin sa 7th floor ng mga
kalaro ko upang makita lamang ang paglanding
at pagtake-off ng eroplano. Ang pagpila namin sa ibaba upang mag-igib ng
tubig. Ang malalakas na sigawan at tilian, ang mga tambay, ang mga tsismosa at
ang mga siga. Sila ang mamimiss ko dito, sila ang mga totoong tao na kailanma’y
maaasahan ko.
Lisanin
ko man ang Tenement ay siguradong hindi ko kailanman ito malilimutan. Nakaukit na
kasi ang lugar na ito sa puso at pagkatao ko.
Ang sanaysay na ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 4
SPONSORS:
0 comments:
Post a Comment