Ako si Jhenay, Laking Tenement

Ang poster na ito ay mula sa Star Cinema

Magulo “daw” sa lugar namin. Maingay, maraming adik at kung ikaw “daw” ay dadayo dito, hindi ka na makakalabas ng buhay.  Binansagan nga itong pangalawang Tondo eh. Talamak “daw” kasi ang paggamit at pagbebenta ng droga. Nakakatakot di’ba?

Tandang-tanda ko ang bawat pagsakay ko sa taxi. Sa tuwing sinasabi ko sa drayber na ihatid ako sa amin ay tila ba nagpapalusot nalang ang mga ito para hindi ako maisakay. Madalas ganito ang sinasabi nila:

“Miss, lumipat ka nalang ng ibang taxi. Pagarahe na kasi ako eh baka hindi ako makaabot sa oras.”

O kaya naman:

“Mahirap na pumasok dyan sa lugar nyo, baka holdapin lang ako. Hindi ba’t malapit lang kayo sa Maharlika?”

At heto pa:

“Wala akong makukuhang pasahero pabalik, mag-abang ka nalang ulit ng ibang masasakyan. Malulugi kasi ako eh.”

Alam ko naman na nagdadahilan lang sila upang hindi sila mapadpad sa lugar namin. Hindi kasi maganda ang imahe na nabuo dito. In short, natatakot sila! Aminado naman ako na lahat ng “daw” na sinasabi nila ay nasaksihan ko mismong nangyari pero hindi pa rin makatarungan para sa akin na mabansagan ng ganun ang Tenement. Sa kahit saang lugar naman kasi ay may nangyayaring kaguluhan. Minsan nga kahit sa isang gwardyadong subdivision ay may mababalitaan ka pa ring krimen. Marahil ay naging mapanghusga lamang ang ibang mga tao. Ang tanging tinitignan nila ay ang masasamang pangyayari, kinalimutan nila ang mga kabutihang dala ng aming lugar. Para sa akin kasi mali ang manghusga lalo na kung hindi mo pa naman ito nakikita. Ganyan man ang tingin ng marami sa Tenement ay hindi ito nangangahulugang hindi ko na ito kayang ipagmalaki.

Panahon pa ni dating Pangulong Diosdado Macapagal nang itayo ang gusali ng Tenement. Kung titignan mo nga ito ay talagang lumang luma na. Mayroon itong pitong palapag at halos pitong-daang pamilya ang naninirahan dito. Iba’t ibang klase ng tao ang makakasalubong mo. Sa umaga asahan mong may maririnig kang sigawan o kaya naman minsan ay nagbabatuhan ng pinggan na animo’y nagsosolian na ng kandila. Marami ring bata ang nagtatakbuhan sa bawat rampa ng palapag. Para ngang sine ang lugar namin eh, may drama, comedy, horror at ang pinakamatindi sa lahat ay ang “action.” Oh diba, hindi mo na kailangang lumayo pa para makanood ng sine kasi andito na lahat ng eksena.

Tila nakasanayan ko na ang ganitong mga tagpo, dito na kasi ako nagka-isip. Minsan nga ako pa ang bida sa inaakala kong eksena sa pelikula. Pero kahit ganito ang lugar namin ay masaya kami. Marami kaming kaibigan at napakarami naming mga kapitbahay na pwedeng takbuhan. Sa totoo lang, maraming mababait na tao dito. Madalas kaming nagdadamayan kapag may unos na dumarating. Kapag may lamay nga dito ay imbitado ang lahat. Hindi mo na poproblemahin kung sino ang magpupuyat sa gabi para magbantay. Lalo na kapag may birthday, binyagan, kasalan o kahit anong okasyon na may handaan, asahan mong isang baranggay ang darating. Paano ba naman habang nagluluto ka palang amoy na amoy na ng kapitbahay ang niluluto mo dahil magkakadikit lang ang mga pinto. Dito mo lang din mararanasan na para bang isa kang artista sa sobrang dami ng bumabati sa’yo. Sa sobrang dami nga nila mapapagod ka nalang sa pagkaway. Para na kasi kaming isang malaking pamilya dito. “The more, the merrier” ika nga nila.

Maipagmamalaki ko rin na dito nagmula ang mga komedyanteng sina Michael V. At Bayani Agbayani (sabi ko sa inyo eh, masaya talaga dito sa amin). Paminsan minsan ay makikita mo pa ring dumadalaw sila dito.

Sino ba naman ang makakalimot sa pelikulang T2 (Tenement 2) ng Star Cinema, yung si Maricel Soriano at Derek Ramsay ang bida? Dito shinooting yun, marami kasing puno ng Balete dito. Perfect set ito para sa isang horror movie, kaya nga naging blockbuster hit  yun eh, pasalamat nalang sila sa Tenement!

Maraming mga kabataan dito ang nagtapos bilang doctor, abugado, guro o kaya naman ay naging pulitiko. Umasenso man sila sa buhat ay patuloy pa rin silang bumabalik.

Kilala rin sa aming lugar ang Pandesal sa Bakery ni Aling Venus. Isipin mo lahat na ng bilihin ay tumaas pero ang Pandesal nya ay piso pa rin. Saktong isang subuan ang laki nito, sakto lang din sa pisong binayad mo.

Masarap ang mga pagkaing kalye dito. Ang Siomai ni Aling Gloria, ang Ihaw-ihaw na Paa ng Manok ni Manong Anton na sobrang lambot (falls off the bone), Ang Samalamig ni Ate Gina at ang pinakamasarap sa lahat, ang Piniritong Isaw ni Kuya Tony (dahil na din siguro sa sukang sawsawan, ang sarap kasi ng timpla nya)!

Isa pang maipagmamalaki ko ay ang suporta ng buong residente sa tuwing may patimpalak na sasalihan ang isa. Asahan mo may instant fans club ka. Hakot kasi kami palagi lalo na sa mga beauty pageant at dance contest! Panalong panalo na ang pambato namin kung Audience Impact lang ang pag-uusapan.

Walang kapantay ang saya dito!

**********

Kamakailan lang ay nag-anunsiyo ang Lokal na Pamahalaan ng Taguig na kailangan na daw lisanin ang gusaling ito. Condemned na daw kasi, hindi na nya kakayanin ang isang malakas na lindol. Maaari rin daw na bigla nalang itong bumigay, marami na kasing nakikitang mga lamat sa bawat pader ng palapag dahil sa kalumaan. Delikado na para sa mga residente. Kaysa naman daw marami ang madisgrasya, mas mabuti nalang daw na ilipat kaming lahat sa isang relocation.

Nakakalungkot isispin na bilang na ang mga araw na ilalagi ko dito, lahat kasi ng magandang ala-ala ay dito nabuo. Ang pagakayat namin sa 7th floor ng mga kalaro ko upang makita lamang ang paglanding at pagtake-off ng eroplano. Ang pagpila namin sa ibaba upang mag-igib ng tubig. Ang malalakas na sigawan at tilian, ang mga tambay, ang mga tsismosa at ang mga siga. Sila ang mamimiss ko dito, sila ang mga totoong tao na kailanma’y maaasahan ko.

Lisanin ko man ang Tenement ay siguradong hindi ko kailanman ito malilimutan. Nakaukit na kasi ang lugar na ito sa puso at pagkatao ko.


Ang sanaysay na ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 4


SPONSORS:







Kahit Ako'y Makalawang Na

Hindi dahil sa kinakalawang na ang isang bagay ay hindi na ito mapapakinabangan, minsan ay patuloy pa rin itong aandar upang maihatid lamang tayo sa ating paroroonan.

Ganun din tayong mga tao, minsan ay may makakasalubong tayong mga pagsubok sa daan ngunit hindi ito nangangahulugang hindi na natin mararating ang nais nating puntahan.





Ang larawang ito ay  lahok sa Saranggola Blog Awards 4.

Pamagat: "Kahit Ako'y Makalawang Na"
Lugar kung saan kinunan ang larawan: Infanta, Quezon
Petsa: April 2010
Kategorya: Photoblog - Postcard



SPONSORS:









Luzon, Visayas at Mindanao


Labing-limang  taong gulang lamang si Hannah nang madestino ang kanyang amang si Mang Romeo sa Cebu. Sa isang Recruitment Agency sa Maynila nagtatrabaho ang kanyang ama. At dahil dalawang beses na itong pinarangalan bilang pinakamagaling na empleyado, sya ang napiling umasikaso sa bagong sangay ng kumpanya sa Visayas. Kinakailangang lumipat ng buong pamilya roon.

“ Mahal, napromote ako!”  masayang balita ni Mang Romeo sa pamilya pag-uwi nito galing trabaho.

“Talaga! Mahal, masaya ako para sayo.” tugon ni Aling Ester, ang kanyang asawa.

“ Sa darating na weekend pupunta tayo sa Mall, kakain tayo sa labas at mamimili na rin ng mga gamit na dadalin natin sa Cebu."

“Bakit, anong gagawin natin sa Cebu?” nagtatakang tanong ng asawa.

“Doon kasi ako madedestino. Ako na ang mangangasiwa sa bagong branch nila Sir Villanueva kaya doon na tayo maninirahan.” Tugon ni Mang Romeo.

“Ganoon ba, pero paano ang pag-aaral ni Hannah? Nasa kalagitnaan palang sila ng School year.”

“Pwede naman syang magtransfer. 3rd year High School palang naman sya. Wala na tayong poproblemahin kasi may kasamang pabahay ang pagpromote sa akin.”

Tinawag ng mag-asawa ang kanilang anak habang gumagawa ito ng assignment sa kanilang sala.

 “Lilipat na tayo sa Cebu anak. Doon na kasi magtatrabaho ang Papa.”  wika ng kanyang ama.

“Papaano po ang schooling ko? Hanggang kailan po tayo doon?” nakatungong tanong ni Hannah.

“Anak, doon na tayo titira. Kinakailangan nating umalis dahil andun na ang trabaho ko.”

Hindi nalang umimik si Hannah. Alam nya kasing desidido na ang ama at wala na syang magagawa kundi ang sumunod na lamang. Pero ramdam nya ang lungkot sa binalitang iyon ng kanyang mga magulang.
  
*****

Tatlong araw bago sila lumipad patungong Cebu ay pinaalam na ni Aling Ester sa ekwelahan ang paglipat nila.

“Sayang naman po Misis, magaling pa naman si Hannah. Ang dami nyang kaibigan dito, sigurado akong malulungkot silang lahat.” sambit ng guro ni Hannah.

“Oo nga po, pero kailangan talaga na lumipat kami. Kailangan ko pong suportahan ang asawa ko sa trabaho nya. Hindi nya daw kaya na malayo kami sa kanya at ganun din kami sa kanya kaya pumayag din  ako kaagad. Maraming salamat po sa pag-aasikaso kay Hannah.” sabi ni Aling Ester.

 “Mag-iingat ka doon Bestfriend ha, sana hindi mo ako kalimutan.” Umiiyak na sabi ni Carla.

“Oo bestfriend, tatawagan kita. Ito oh, bumili kami ng friendship bracelet ni Mama, ibigay ko daw to sa’yo ‘tong isa. Habang suot pa natin ito ibig sabihin magbestfriend pa din tayo. Promise,dadalawin kita dito kapag marunong na akong sumakay ng eroplano mag-isa.” wika ni Hannah na tumutulo na rin ang luha habang nagsasalita.

“Magkikita ulit tayo ha. Ikaw lang ang bestfriend ko hanggang tumanda ako. Tawagan mo ako palagi.” sagot ni Carla habang inaabot kay Hannah ang pabaon niyang litrato.

Kuha nila itong dalawa sa isang program sa School.

“Ilagay mo yan sa kwarto mo para di mo rin ako makalimutan.”

Niyakap nya ng mahigpit ang bestfriend. Isang yakap na mahigpit na animo’y ayaw nang maghiwalay.

Nagpaalam na si Hannah sa buong klase. Tila nabalot ng lungkot ang kanilang silid dahil sa kalungkutang nararamdaman ng mga kaklase nya. Pagkatapos magpasalamat at magpaalam ay tumalikod na ang mag-ina. Hanggang makauwi sila ay lumuluha pa rin si Hannah, alam ni Aling Ester na mabigat ang loob ng kanyang anak sa pagpapaalam.

*****

Tatlong araw ang nakalipas.

Sumakay na ang mag-anak ng eroplano. Matamlay pa din si Hannah. Unti-unting tumulo ang luha nya habang nakikita ang mga tanawin mula sa bintana ng sinasakyan. Nakita nya ang maliliit na mga gusali, ang mga bundok at dagat mula sa itaas. Mas lalo syang nalungkot nang nakikita nya na papalayo na sila ng papalayo.

Nang makarating na ng Cebu ay tumuloy na sila sa bahay na pag-aari rin ng kumpanya. Pagkatapos mag-ayos ay sinimulan na nilang mamasyal para maging pamilyar sila sa lugar. Una nilang pinuntahan ay ang Simbahan kung saan nakalagak ang  Magellan’s Cross. Pinuntahan din nila ang Taoist Temple pati ang Mactan Shrine. Kahit papaano ay sumaya na si Hannah. Manghang mangha sya sa lugar at sinambit nya na maganda pala ang Cebu.

Nang makauwi na sila mula sa pamamasyal ay dali-dali nyang tinawagan si Carla. Wala pa kasing Facebook noon at hindi pa uso ang internet kaya mahirap ang komunikasyon.

“Carla, andito na kami sa Cebu. Maganda pala dito ang daming mapapasyalan, sana andito ka kasama ko.” Sabik na kwento ni Hannah sa bestfriend nya.

“Alam mo kanina sa School tulala lang ako, wala na kasi akong katabi. Noong breaktime wala na akong makasabay kumain. Kanina nga inasar na naman ako nila Bruce, wala nang magtatanggol sa akin.”  sumbong ni Carla na tila umiiyak sa kabilang linya.

“Huwag kanang malungkot, kaya nga kita tinawagan para maging masaya tayong dalawa. Ayang si Bruce naku pagnapadpad ulit ako dyan sa Maynila ay titirisin ko sya na parang kuto para hindi ka na nya asarin. Tatawagan kita palagi para hindi mo ako makalimutan.”

“Hindi naman talaga kita kakalimutan, diba nga bestfriend kita.”

“Oh sige na, kailangan ko nang ibaba ang telepono, Long Distance kasi ito, mahal daw sabi ni Papa. Tatawagan kita ulit ha. Namimiss na kita bestfriend. Masaya ako na narinig ko ulit ang boses mo..”  wika ni Hannah sabay baba ng telepono.

*****

Unang araw ni Hannah sa pagpasok sa paaralan. Nahirapan syang intindihin ang sinasabi ng mga kaklase.  May mga oras ngang tahimik lang sya at tila wala sa sarili.

Hindi nagtagal ay may naging kaibigan din sya.

Isang araw ng kumakain sila ay may lumapit sa kanilang isang lalaki. Matangkad, maputi at gwapo ang binata.

 “Gusto ko sanang magpakilala dyan sa kasama nyo, kumusta ka magandang binibini, ano bang pangalan mo?” nakangiting sabi ni Jonas.

Hindi alam ni Hannah kung maaasar sya sa lalaki dahil pinagtitinginan na sila sa canteen.

“Uy, may gusto ata sayo.” biro ni Grace.

“ Tara na nga girls. Lipat na tayo ng ibang upuan.” Sambit ni Hannah sa mga kasama.

Hindi nya pinansin ang binata. Dali-dali nalang silang umalis. Naghiyawan ang iba pang estudyante na kumakain. Tila binibiro nila si Jonas.

*****

Nang makauwi na si Hannah sa kanilang bahay ay nilapitan nya ang telepono, di-nial nya ulit ang numero ni Carla. Balak nya kasing ikwento ang nangyari.

846-3286. Pagkadial ay may voice prompt syang narinig “The telephone number you dial is not in service at this time.”

“Naputulan ata sila Carla ng telepono. Dibale susubukan ko nalang ulit sa mga susunod na araw.”

*****

Dalawang buwan na ang nakalipas, palagi nya pa ring tinatawagan ang numero nila Carla ngunit ang voice prompt pa rin ang naririnig nya.

Sa tuwing pumapasok sya ng eskwelahan ay sumusunod sa kanya si Jonas. At sa tuwing kakain na sila sa Canteen ay palagi rin syang niyayaya ng binata. Hindi nya pa rin pinapansin ito, tila wala syang pakialam sa panunuyo nit Jonas.

Isang araw ay may activity sa kanilang eskuwela. Isang Quiz Bee na pagsasamahin ang mga kalahok ng bawat section para maging isang team. Kasali pareho si Hannah at Jonas, walang nagawa ang dalaga kundi makihalubilo na rin sa pagrereview. Kailangan kasi nilang manalo para maexempt sila sa 3rd Grading Finals.

Unti-unting naging malapit ang dalawa. Napansin na din sa wakas ng dalaga ang panunuyo ni Jonas sa kanya. Tuwing nagrereview sila ay si Jonas ang nagtuturo sa kanya ng Math, at tuwing breaktime naman ay palagi syang binibigyan ng pagkain nito. Sabay na silang kumain sa canteen. Kapag uwian ay ihahatid sya nito sa sakayan na bitbit ang mabigat nyang bag. Tila nahuhulog na si Hannah sa kabaitan ng binata. Hindi nagtagal ay pumayag na syang magpaligaw kay Jonas. Naniniwala si Hannah na magandang impluwensya sa kanya si Jonas.

*****

Maraming buwan na ang nagdaan ay bigla nyang naalala na subukan uling tawagan si Carla. Laking gulat nya na iba na ang voice prompt “The telephone number you dial is not yet in service.” Inisip nya na tuluyan nang mawawala ang komunikasyon nila ng bestfriend nya.

*****
Pinakilala ni Hannah ang manliligaw sa kanyang magulang. Maganda ang pagtanggap nila sa binata at binilin nilang gawin munang inspirasyon ang isa’t isa upang makapag-tapos ng pag-aaral. Nangako naman ang dalawa na magtatapos muna sila ng pag-aaral.

*****

Pagkalipas ng isang taon at tatlong buwan ay may ibinalita si Mang Romeo sa kanyang mag-ina.

“Mahal, anak kinausap ako ng boss ko kanina. Nakiusap sya sa akin na ako na ang mamahala sa tinatayong branch ng kumpanya sa Davao. Katulad dati ay kailangan na naman nating lumipat, lahat tayo sa Mindanao.” marahang sabi ni Mang Romeo.

“Kailan na naman tayo aalis?” tanong ng kanyang asawa.

“Sa loob ng dalawang lingo ay kailangan na nating lumipat doon.”

Hindi kumibo si Hannah. Tila nawalan sya ng gana sa pagkain ng marinig nya iyon. Dali-dali syang umalis papuntang kwarto. Sinundan sya ng kanyang ina at kinausap.

“Anak, sana intindihin mo ang Papa mo, ginagawa nya lang naman ang trabaho nya. Gusto nya na maging maganda ang buhay natin. Ayaw nyang mapalayo tayo sa kanya kaya palagi nya tayong sinasama sa bawat byahe nya.” paliwanag ni Aling Ester sa anak.

“Pero Mama ang hirap eh, nangyari na to dati. Iniwan ko ang bestfriend ko, ang Maynila para suportahan ang Papa. Hindi po madaling mag-adjust. Bakit kailangan nalang na pumayag syang mapalipat ng ibang lugar. Wala na po ba tayong permanenteng lugar na titirahan? Palagi nalang po ba na kailangan nating lisanin ang bawat bayang pinupuntahan natin? Bakit kailangan pong palagi nalang akong magpaalam sa mga taong mahal ko? Mama masakit po, kung kelan sobrang mahal ko na sila at ang lugar na ito eh tsaka naman po tayo lilipat. Talaga po bang kailangan nating libutin ang Luzon, Visayas at Mindanao?”  katuwiran ni Hannah habang umiiyak.

“Alam mo anak hindi lang naman ikaw ang nahihirapan, maski kami ng Papa mo ay may mga naging kaibigan na rin dito. Pero kailangan nating umalis para suportahan ang Papa mo dahil tayo ang pamilya nya. Kung si Jonas ang inaalala mo kausapin natin sya, tingin ko naman maiintindihan nya ang sitwasyon natin.Mag-aral muna kayong mabuti, kung para naman kayo sa isa’t isa kahit anong pagsubok ay makakayanan nyo. Kahit saan man kayo mapadpad ay magkikita at magkikita rin kayong dalawa.”

Umiling nalang si Hannah at sinabing matutulog na sya.


*****

Kinabukasan ay ibinalita nya agad kay Jonas ang planong paglipat ng pamilya.

Nalungkot ang binata ngunit gaya ni Hannah ay alam nyang wala syang magagawa kundi ang maghintay.

“Huwag ka mag-alala, mag-aral tayong mabuti. Sa araw ng iyong Graduation sa College bigla mo nalang akong makikitang pumapalakpak sa harap ng stage.” Pabirong sabi ni Jonas.

“Ikaw talaga nagbibiro kapa, ayan na nga magkakahiwalay na tayo. Ilang araw nalang magpapaalam na ako sa.”

“Tandaan mo Hannah, hindi lahat ng pagpapaalam ay katapusan. Pwedeng ang pagpapaalam ay simula ng isang magandang bagay. Magandang oportunidad para sa’yo at sa pamilya mo. Doon kana magcocollege, makakapag focus ka. Mga bata pa kasi tayo kaya wala pa tayong maipagmamalaki. Mag-aral kang mabuti at ako din tatapusin ko para pag dinalaw kita sa Davao ay maipagmamalaki na natin ang isa’t-isa sa kanila. Huwag kanang malungkot, pangako magkikita pa din tayo.”  wika ni Jonas na may lungkot ang mga mata.

“Ganyan din ang sinabi sa akin ng bestfriend ko sa Maynila. Tignan mo ngayon wala na kaming communication.” tugon ni Hannah.

“Magtiwala ka lang sa akin. Sa araw ng pag-alis mo hindi na ako magpapakita ha. Ayaw ko kasing makita na lumuluha ka. Gusto ko panatag ang damdamin mo sa pag-alis mo.” sabi ng binata.

“Ako rin, hindi ko rin ata kayang makita ang sarili ko papalayo sa’yo. Basta kapag nandoon na kami tatawagan kita ha para maibigay ang numero namin doon sa Davao.  Mag-iingat ka lagi.”  malungkot na sabi ni Hannah.

“Patutunayan ko kung gaano kita kamahal, maghihintay ako.” ang huling nabanggit ni Jonas.

*****

Dumating na ang araw ng paglipat ng mag-anak, gaya nga ng sabi ng binata ay hindi na sya nagpakita. 

Nakamasid lamang sya mula sa kanto habang papasakay papuntang airport sila Hannah. Bigla syang napaiyak. Nasasaktan sya sa pag-alis ng dalaga.
   
*****

Tila naulit na naman ang nangyari noong pagsakay nila sa eroplano. Habang nakatanaw si Hannah mula sa bintana ay pabilis naman ng pabilis ang pagtulo ng luha nya. Nakikita na naman na papalayo at papalayo na sya sa bayan ng Cebu.

Isang oras lang ay nasa Davao na sila. Pagdating nila roon ay tinreat silang mag-anak ng may-ari ng kumpanya. Nagtour sila sa Pearl Farm, isa sa pinakamagandang beach sa Pilipinas at sa taniman ng mga saging kung saan ay part-owner din ang boss ng Papa ni Hannah. Malaki ang Davao, sagana sa likas na yaman.

Pagdating sa bahay na titirahan nila ay agad nyang hinanap ang telepono. I-dinial ang number ni Jonas ngunit wala raw si Jonas doon. Araw araw nyang sinubukan na kontakin ang binata ngunit hindi na nya ito mahanap.

Hindi sya pumalya na kontakin ang binata, umaasa sya na isang araw ay makokontak niya rin ito. Naalala nya ang sabi ni Jonas na magtiwala lang sya.

*****

Nag-enroll sa kursong Education si Hannah, bata palang kasi sya ay gusto na nyang maging guro.

Pinagtuunan nya ng pansin ang pag-aaral, may mga naging kaibigan din sya ngunit pinili nya na huwag ng magkaroon ng malalim ng kaugnayan sa kanila sapagkat alam nya na darating na naman ang araw na lilipat muli sila ng ibang lugar. Pagod na syang masaktan.

Naging magaling syang estudyante sa Kolehiyo. Naging Dean’s Lister pa nga sya sa maraming semester. Tuwang tuwa ang mga magulang nya. Binulong nya sa sarili nya:  “Ito ang gusto ni Jonas! Ang mag-aral akong mabuti.”

******

Dumating na ang araw ng Graduation ni Hannah. Umaasa sya na darating si Jonas at papalakpak sa harap ng entablado tulad ng ipinangako nya apat na taon na ang nakalipas. Masayang masaya ang mga magulang nya dahil tatanggap sya ng karangalan.

Nang tinawag na ang pangalan nya bilang Cum Laude ay may narinig syang pumalakpak mula sa gilid ng stage. Nakita nya ang isang lalakeng walang buhok, naka wheelchair at tila namumutla na. Hindi nya mamukaan ito. Pagbaba ng stage ay unti unting nagiging malinaw ang tingin nya sa lalaki, ito pala ay si Jonas!

“Anong nangyari sa’yo?” tanong niya.

Hindi na nakapagsalita ang binata.

“Apat na taon na ring may sakit ang anak ko. Nung nakilala mo sya sa Cebu ay nadiagnose na may tumor sya sa utak. Naging malakas ang anak ko sa paglaban sa sakit nya, ang sabi nga ng doctor ay dalawang taon nalang ang itatagal nya ngunit napahaba nya ito ng apat na taon. Palagi nyang sinasabi na gusto nyang umattend sa graduation mo. Hanapin ka daw naming, kaya bago pa man mag-apat na taon ay hinanap ka namin para madala ang anak ko dito. Binilin nya rin noon na huwag sabihin sa’yo na maysakit sya kase baka madestruct ka lang daw sa pag-aaral mo.”  malungkot na kwento ng ina ni Jonas.

Niyakap ng mahigpit ni Hannah si Jonas. Ibinulong nya sa binata kung gaano nya ito kamahal.

“Maraming salamat Jonas, walang araw na hindi kita inisip. Ikaw ang naging inspirasyon ko kaya ako nagpursige sa pag-aaral. Naniniwala ako na tutuparin mo ang ipinangako mo at heto ka nga kahit mahina ka ay tinupad mo ang pangako mo. Huwag kang mag-alala, aalagaan kita. Palagi kitang sasamahan mula ngayon.”

Halos tatlong buwan pa ang itinagal ni Jonas. Sa tatlong buwan na iyon ay inalagaan sya mabuti ni Hannah upang maipakita kung gaano nya talaga kamahal ang binata. Bago ito pumanaw ay may ibinilin siya sa dalaga.

“Naaalala mo ba yung kinwento mo sa akin nung High School pa tayo, yung best friend mong si Carla. Hindi ba’t nangako ka sa kanya na dadalawin mo sya sa Maynila kapag marunong kanang sumakay sa eroplano mag-isa? Gusto ko sana na tuparin mo ang pangako mong iyon sa kanya.”  habilin ni Jonas.

*****

Pagkalibing na pagkalibing kay Jonas ay lumipad agad si Hannah sa Maynila, gaya ng ng bilin ng binata ay hinanap nya si Carla. Mula sa dati nitong bahay ay lumipat na daw ang pamilya nito sa Cavite.

Kahit na alam nyang imposible pa na mahanap nya ang kaibigan ay sinubukan pa rin nya ito. Mabuti na lamang at nagkasalubong sila ni Bruce, ang batang laging nang-aasar kay Carla noong High School. Tinanong nya kung alam nito kung saan na nakatira si Carla.

“Nasa Bacoor sila. Nademolish kase ang bahay nila noong High School palang tayo at inilipat sila sa relocation. Minsan na namin syang dinalaw doon. Mabuti nga’t nahanap namin ang lugar. Kung gusto mo sasamahan kita pero hindi ko na kabisado yung lugar na iyon, matagal na kasi yung huling punto ko doon. ” sabi ni Bruce.

“Okay lang Bruce! Maraming salamat din!" tugon ni Hannah.

Dali dali silang bumiyahe sa Bacoor.

Sa una ay tila nahihirapan silang hanapin, malaki kasi ang lugar na iyon. Ngunit para bang nararamdaman ni Hannah na may tumutulak sa kanya sa paghahanap.

“Si Jonas! Maraming Salamat sa iyo. Alam kong tinutulungan mo akong mahanap ang aking kaibigan.”

Hindi nagtagal ay nahanap din nila ang bahay nila Carla. Kumatok sila at pagkabukas ng pinto ay nakita nila agad ang hinahanap nila. Laking gulat ni Carla sa nakita.

“Hannah, akala ko hindi na tayo magkikita.” wika ni Carla sabay yakap sa kaibigan.

Suot pa din nila pareho ang Friendship bracelet. 

“Hindi ba nangako ako sa’yo na kapag marunong na akong sumakay ng eroplano mag-isa ay dadalawin kita kaya heto ako ngayon. Narating ko na nga ang Luzon, Visayas at Mindanao eh.”

“May isa ka pang pangako sa akin bestfriend, diba sabi mo noon titirisin mo si Bruce pag nakita mo sya.”

Tinignan nila pareho si Bruce at bigla silang nagtawanan.

*****

Nagiging mas makabuluhan ang paglalakbay dahil sa mga taong nakikilala natin sa daan. Sila ang mga taong huhubog at susubok sa katatagan natin bilang tao. Ang mga ala-ala nila ay uukit sa mga puso natin. Lumisan man tayo, ang mahalaga ay sa bawat paglalakbay natin ay may mabubuong isang magandang kwento.

****WAKAS****



Ang Maikling Kwento na ito ay lahok ko sa Saranggola Blog Awards 4


SPONSORS: